top of page

Pagkatapos ng Palabas

Hanggang sa matapos ang pagtatanghal ng Ang Huling El Bimbo, hindi nabigyan ng hustisya ang buhay ni Joy. The story highlighted Joy's miserable life and unluckiness. Hindi s'ya mayaman, "latak ng lipunan", at ginamit ng kung sino-sino.


Sa loob ng tatlong araw, pinagtagpi-tagpi n'ya ang nasira n'yang sarili, para lang makadalo sa graduation nina AJ, Emman at Hector. Napilitan si Joy na buuin ang sarili n'ya, nang mabilisan. Wala s'yang panahon para magluksa. At habang hindi nareresolba ang mga problema, patuloy lang itong nadadagdagan—to the point na hindi na option na "ayusin", kailangan na lang tanggapin.


Kung ang inaalala lang nina AJ, Emman at Hector na maging malinis ang graduation nila kaya hindi sila nag-report sa presinto, note, hindi na nila ito binalikan, ever. Kahit nang matapos ang graduation. O matapos ang dalawang dekada. Tandaan, si Hector ay kasintahan, hindi lang kaibigan. Wala s'yang ginawa.


Hindi ipinasara ang KTV. Walang pumuna kay Banlao o doon sa breezy na nagdala ng mga babae. Inatim ni Dely na makita gabi-gabi ang imoralidad sa kanyang karinderia. Kung sinong nagtulak kay Joy para tumandang drug courier ay s'yang may pribilehyong sabihing, "Nasa drug watchlist NAMIN 'yan. Hindi ko alam kung bakit s'ya nagkaganyan." Hindi rin sinabing inampon si Ligaya.


Ngunit alam natin na ni minsan ay hindi sinisi ni Joy ang kanyang mga kaibigan. Ibig sabihin, tinanggap ni Joy ang kanyang kapalaran, at alam n'ya kung sino ang dapat at hindi dapat sisihin.


Pero 'yung tatlo, may "habambuhay na dala-dala", hindi dahil dinala nila si Joy sa Antipolo, kung hindi dahil wala silang ginawa para dalhin ang hustisya kay Joy.


Walang dapat patawarin, pero may dapat pagsisihan.


Pinilit ng Ang Huling El Bimbo na talakayin ang maraming isyu—ang halaga ng edukasyon para sa mga magulang, ang pagtanggap sa kasarian, ang pagsunod sa daloy ng hirarkiya, ang matataas na ambisyon ng kabataan, ang karangalan na makapagtapos ng pag-aaral, ang limitasyon ng mahihirap, ang kawalan ng hustisya, ang panti-trip lang (ang rape kay Joy ay kursunada lang ng mga nainggit sa auto), ang disbalanse ng lipunan, ang katahimikan ng mayayaman, ang kurapsyon ng sistema, ang sikolohikal na pagkumbinsi sa mga sarili na "tama ako", "mali ka", "kaya ko 'to", "hindi mo kaya", "grow up and move on".


Ang Ang Huling El Bimbo ay sumasalamin sa lipunan. Hindi ito pampa-"warm the heart" gaya ng mga telenovelang subaybayin. Hindi ito conventional. Ito ay "disturbing"—oo, kailangan mong mabahala. Kailangang tumatak sa iyo ang mensahe.


Ito ay kwento ng pagtakas ng mga may pribilehyo, at kwento ng mga nasisiil dahil wala silang kakayanang pumili ng kapalaran. Ito ay kwento ng pananahimik ng may kakayanan, at kabingihan para sa mga walang kayayanan ngunit pilit sumisigaw. Walang resolusyon. Hindi ito kwento na masaya ang ending, o mamamatay ang villain, o magkakaroon ng milagro. Ito ay salamin ng masalimuot na lipunan. Gusto mong bigyan ng magandang resolusyon ang kwento. Ngunit ito ang mensahe ng tanghal. Doon nagtatapos ang kwento.


Ngunit lalabas ka sa teatro patungo sa masalimuot na lipunan. Tandaan mo ang mga naramdaman mo nang mapanood mo ito. Ito ang mundo. Sa paglabas mo sa teatro, dalhin mo ang kaisipang iyan—may kakayanan kang baguhin ang sistema. Mag-isa ka, pero kung ang bawat nakanood ng palabas ay may alab sa puso upang baguhin ang sistema, hindi ka mag-isa. Kahit gaano kaliit, basta para sa mas makabubuti.


Ang kwento ni Joy ay hindi na mababago sa iskrip, ngunit ang kinabukasan ng lipunan ay hindi naka-iskrip.


Nawa ay huwag tayong dumating sa puntong ang pagsisisi ay wala na ring saysay.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Blog Idea Dropbox

Thanks for submitting!

bottom of page