Ang palayok na 'sang siglong
yumakap sa iyong mga hiling
sa init at kuló
at lamig at dilim
Ininda ang bawat pàso—
inperno ng araw at gabi
bawat nais mo lamang
ay maisilbi.
Hindi mo naibigan
ang sabaw na kanyang alay
na ang naghalo naman
ay ang iyong mga kamay.
Bawat salita at sampal at sipa
na iyong isinumbat,
ibinalot ng takot at luha
ang kanyang lahat.
Ang palayok na ikaw lamang
ang tanging inibig,
para sa iyo ay kinimkim
ang pagluha at pagnginig.
Liban sa kanya'y
lahat ng saksi ay nag-isip
na sumugat sa iyong balat
sa kanilang mga panaginip.
Ang liwanag ay dumampi
sa kanyang bunganga.
Sa liwanag, siya ay
natutong magsalita.
Isang pitik sa sandaang taon
upang magkaroon ng perlas...
Matapos ang lahat,
ito na ang wakas.
Ang bagay na masyado nang
matagal umiiyak,
biyaya o sumpa ba
kapag ito ay biglang tumahan.
Isang siglong panaghoy
ang nagsiil sa palayok
upang bumalik sa lupa
at maging gabok.
Ang gabok ay magpapadala
sa hangin at ilog
at kailanma'y hindi na
babalik pa sa iyo.
top of page
Search
bottom of page
Comments